Sa isang bukas na liham sa publiko nitong mga unang araw ng 2025, inilahad ni Joel Kaplan, chief global affairs officer ng Meta, na dahil daw sa free expression, “all the good, bad, and ugly is on display.”
Ganito niya sinimulan ang kanyang pahayag ng kanilang desisyon na alisin na ang third-party fact-checkers mula sa Facebook. Sinimulan daw nilang gamitin ang fact-checking noong 2016 bunsod ng “societal at political pressure to moderate content,” at sa loob ng nakaraang siyam na taon, mga komplikadong sistema na raw ang kanilang ginamit para i-manage ang content.
Pero masyadong maraming harmless content daw ang nasisita. Napupulitika raw at nase-censor. Kailangan na raw matigil ang ganitong pagpigil sa free speech. Kaya naman tatapusin na ang fact-checking program sa US at ililipat sa isang Community Notes program. Ganito raw ang ginawa sa X, dating Twitter.
Mabilis na tumugon ang International Fact Checking Network, na naglabas din ng isang bukas na liham para kay Meta founder Mark Zuckerberg. Sinabi ng 111 organisasyong kabilang sa network — kasama na ang Press One, Rappler, at VERA Files mula rito sa Pilipinas — na ang fact-checking program ay nakatulong sa milyong Facebook users para umiwas sa mga hoax at conspiracy theories. (BASAHIN: Rappler statement on Meta ending fact-check program in the US)
Parang sa fact-checkers pa raw isinisisi ang pag-censor sa mga komento, ayon sa IFCN, gayong wala naman silang kapangyarihang pakialaman ang content o mismong mga accounts. Hindi rin isinali ang mga pulitiko at kandidato sa fact-checking kahit na marami sa kanila ay aktibong nagpapalaganap ng kasinungalingan.
Ang pagsasabi kung bakit hindi totoo ang isang bagay ay isa ring anyo ng free speech, diin ng IFCN.
Tunay ngang sa US lang muna uumpisahan ang pag-alis sa mga fact-checkers. Pero ayon sa IFCN, may mga katulad na programa ang Meta sa higit 100 bansa sa buong mundo at hindi malayong isunod na rin ang mga programang ito. Iba-iba ang estado ng mga bansang ito pagdating sa demokrasya at pag-unlad. “Some of these countries are highly vulnerable to misinformation that spurs political instability, election interference, mob violence, and even genocide. If Meta decides to stop the program worldwide, it is almost certain to result in real-world harm in many places.”
***
Noon lamang isang linggo ay nagbitiw sa puwesto ang political cartoonist na si Ann Telnaes ng The Washington Post. Pulitzer Prize winner si Telnaes na dekada nang gumagawa ng mga cartoon sa pahayagan. Hindi kasi ginamit ang kanyang ginawang cartoon kung saan si Jeff Bezos (na may-ari ng The Post) — kasama ang ibang tech at media moguls — ay tila nagbibigay-pugay sa higanteng estatwa ni dating pangulo (at muling magiging pangulong) Donald Trump.
Isa sa mga mogul na nasa cartoon si Mark Zuckerberg.
Maaaring tingnan itong bagong polisiya ng Meta bilang pagtupi ng mogul sa napipintong Trump 2.0 — manunumpa na si Trump bilang ika-47 na pangulo sa Enero 21. May problema sa katotohanan si Trump at kung ano-anong kasinungalingan at medyo-katotohanan ang kaniyang ipinakalat noong siya ay nasa puwesto at habang nangangampanya. Kapag sinita o itinama, siya pa ang may lakas ng loob na magsabi: “fake news!”
Pero mas mahalagang itanong, ano ang magiging epekto nito sa ating mga Pilipinong nasa Facebook? Ayon sa Statista, ika-anim ang Pilipinas sa dami ng FB users sa buong mundo — 87 milyon noong Abril 2024. Sumusunod tayo sa India, US, Indonesia, Brazil, at Mexico. (BASAHIN: [Editorial] Saan pupunta ang basura kapag wala nang basurero? Sa feed mo)
At tulad ng nasaksihan natin nitong mga nagdaang halalan, malaking bahagi ng pinagbabasehan ng desisyon ng mamamayan ang mga nasasagap nila sa social media. Nakita rin natin ang laganap na paggamit ng disimpormasyon para siraan ang kalaban o magsulong ng mga kasinungalingan para sa mga kandidato. Nakita natin ang trahedya na marami sa ating kababayan ang tumanggap lang ng mga nasasagap nilang ito nang walang pagsusuri — at kung minsan ay galit pa kung imumungkahi mong kuwestiyunin ang pinanggalingan.
Eleksiyon na naman sa Mayo. Muli, pipili na naman tayo ng mga indibiduwal na mamumuno sa atin at gagawa ng desisyon para diumano sa ating kapakanan. Malinaw ang kapangyarihan ng social media — Facebook at iba pang plataporma tulad ng TikTok o YouTube — bilang tagahubog ng opinyon ng mamamayan na siyang magiging basehan ng kanilang mga boto. Malinaw rin sa mga nasa puwesto, o sa mga nagnanais na mapunta o makabalik sa puwesto, na maaari nilang manipulahin ang mga mamamayang mabilis mapaniwala at hindi mapanuri.
Nakababahala ito dahil milyong Pilipino na ang palagay ang loob sa paggamit sa Facebook — tunay ngang bahagi na ito ng ating araw-araw na pamumuhay, mapa-personal man o mapa-trabaho. Dito tayo nakikiramdam kung ano ang nangyayari sa ating paligid, kung ano ang matunog at pinag-uusapan. Ang dali sanang sabihin na huwag na lang mag-Facebook, pero ilang taon na nga bang nakatala rito ang malalaki at maliliit nating sandali? Pero ang hirap gawin. May magagawa pa ba bukod sa mag-log out o mag-delete ng account?
Tayong nababahala ang siyang may dagdag na responsibilidad. Pagtibayin nawa natin ang ating kakayahang alamin kung ano ang “good, bad, ugly” tulad ng nabanggit ng Meta, pero higit sa lahat, kung ano ang totoo at hindi. Kapag may mali, sabihan ang nag-post. Sabihan ang mga kaibigan, kamag-anak, kakilala, kasama sa group chat na mag-ingat at huwag agad maniwala sa mga nababasa. Maging mapagmatyag. Tumulong at gumabay sa halip na mangaral at manghusga. Tutulan ang mga politikong sadyang nagbabaluktot ng katotohanan para sa pansariling kapakanan. Markahan sila at huwag suportahan.
Hindi kalayaan ang pagiging walang ingat, walang habas, at walang galang sa katotohanan. – Rappler.com