MANILA, Philippines – Enero 12 nang magsimula ang election period para sa 2025 midterm elections. Sa Pebrero 11 pa magsisimula ang campaign period para sa senatorial at party-list races, habang Marso 28 pa ang simula ng kampanya para sa lokal na posisyon.
Hindi pa man simula ng kampanya, samu’t saring mga campaign paraphernalia na ang naglipana ngayon sa mga kalsada. Kanya-kanyang gimik na rin sa social media ang iba’t ibang kampo para magpakilala at magpabango ng pangalan.
Noong Abril 2024, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na ipagbabawal nila ang “premature campaigning” sa 2025 midterm elections. Alinsunod ito sa Section 80 ng Omnibus Election Code, kung saan sinasabing hindi maaaring mangampanya o makisali sa anumang partisan political activity ang isang kandidato sa labas ng campaign period.
Kung masusunod ito, paglabag sa election code ang mga mga pangangampanyang ginagawa ng mga kandidato, kabilang na rito ang mga advertisement sa TV, radyo, dyaryo, at social media, maging ang mga samu’t saring campaign paraphernalia gaya ng mga billboard, tarpaulin, flyer, at iba pa.
Ngunit ayon sa Republic Act No. 9369 ng 2007, maituturing lamang na “kandidato” ang isang indibidwal sa oras na magsimula ang campaign period. Pinagtibay ito ng ruling ng Korte Suprema sa Penera vs Comelec noong 2009. Samakatuwid, lusot pa ang mga kandidato ngayon sa anumang election offense dahil hindi pa sila itinuturing na “kandidato”— kabilang na rito ang premature campaign.
Ano bang masama sa premature campaigning? Nagiging paligsahan ng salapi ang eleksyon dahil dito, sa halip na plataporma ang suriin ng mga botante. Layunin ng pagkakaroon ng campaign period na pagpantay-pantayin ang oportunidad ng mga kandidato na makilala ng publiko.
Sa paglabag ng prinsipiyo ng campaign period, lamang ang mga kandidatong mahaba ang pisi — iyong maraming supporter at financier na pinagkakautangan ng loob.
Pamilyar ka ba sa paraan ng premature campaigning mga kandidato sa lokalidad mo? Narito ang 10 paraan kung paano nangangampanya ang mga kandidato ngayon kahit hindi pa simula ng campaign period. – Rappler.com
Presenter, writer: Ailla dela Cruz
Graphic artist: Nico Villarete
Videographers: Franz Lopez, Errol Almario
Producer, video editor: JC Gotinga
Supervising producer: Beth Frondoso