Nag-Merry Christmas talaga ang mga mambabatas dahil binigyan nila ang sarili nila ng namumutok na mga pork barrel, at saan nila ito kinuha?
Tinipid…actually, sinakal nila ang mga batayang serbisyo tulad ng edukasyon, Philhealth subsidy, makabuluhang ayuda (hindi patronage ayuda), upang patabain ang kanilang pork. Umabot pa nga sa puntong na-violate ang Saligang Batas dahil ayon sa Charter, dapat edukasyon ang pinakamalaking slice ng cake.

Bastardized o binalasubas ang tawag dito ng resident economist ng Rappler na si JC Punongbayan. Tapos nagdramahan ng veto na cosmetic naman.
Ang sama siguro ng loob ni Education Secretary Sonny Angara — isa umano sa “best and brightest”, na pinutol ang huling termino bilang senador upang samahan si Presidente Ferdinand Marcos Jr. sa Gabinete. Malapit sa puso ni Angara ang edukasyon dahil sa adbokasiya ito ng ama niyang si Ed. Buong akala niya, magiging bahagi siya ng pagbangon ng Pilipinas sa learning poverty matapos ang blah na pamumuno ni Sara Duterte at Liling Briones.
Ang siste, mas malaki pa ang ibinigay na budget sa DPWH o Department of Public Works and Highways kaysa sa Department of Education na dapat magkaroon ng biggest share, ayon sa Konstitusyon.
Maraming kabuktutan sa budget pero may mga standout maliban sa lopsided na share ng public works vs. education.
- Na-deprioritize ang big ticket infrastructure projects
- Intact pa rin ang nakalululang hidden pork barrel funds ng mga kongresista na P33.67 billion; intact pa rin ang P13.9 billion na pork ng mga senador
- Intact pa rin ang Ayuda sa Kapos Ang Kita Program na di tulad ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino) program na kailangan ng pruwebang nagpaaral at nagpagamot ng anak, ang Ayuda ay kontrolado ng mga kongresista — sa madaling salita, tumataginting na vote-buying P26 billion fund.
Pathetic ang drama ng pagvi-veto. Walang na-cure, walang namitigate na greed. Nag-hokus-pokus lang.
Ang budget ang pinaka-crucial na component ng pagtitiyak sa poder ng dinastiya ng mga Marcos at kanilang mga kakamping dynasty sa mga rehiyon. Ang totoo, binalangkas ng Kongreso at pinirmahan ni BBM ang budget na nakatitig sa 2025 mid-term elections at 2028 presidential elections.
Ligal na pagbabakuran ito ng taxpayer’s money — which translates to power — lalo na sa panahon ng eleksiyon. Hindi lang ito usapin ng mas maraming kickbacks mula sa construction contractors — si Kong na ang pipilahan ng mga dukha (na boto lang ang kapalit) imbes na Department of Social Welfare and Development, kung saan kailangan ng mabusising rekisitos.
Kaya’t kung akala natin na may nagbago sa pag-upo ni Marcos, naibalik lang ang mga lumang mekanismo ng pagkopo ng pera at kapangyarihan. Nagsalin kamay lang ang kontrol mula sa isang bayolenteng probinsiyanong taga-Davao, papunta sa isang pamilyang hindi man handang mabahiran (muli) ng dugo ang kamay, mas malikot ang imahinasyon sa pagtatago at pagse-secure ng pork.
Pinatutunayan ng mga Marcos na kayang-kaya nilang magpairal ng ibang klaseng karahasan: ang pagpapaigting ng kahirapan, korupsiyon, at cronyism. This is theft of our future, deprivation of basic services we deserve.
Kalimutan na ang pangarap na tumuntong sa economic status na “upper middle income country.” Political survival muna, Ginoong Marcos at Speaker Martin Romualdez? Ganoon ba kayo katakot sa hamon ng mga Duterte?
Everything changes, everything stays the same. ‘Yan ang pulitikang Pinoy, mga kababayan. – Rappler.com