Oo, aaminin ko. Sugapa ako sa plaka. Adik. Pero masakit pakinggan ang mga salitang ‘yan kaya record or vinyl enthusiast, lover, or collector na lang ang itawag ‘nyo sa akin at sa daan-daang katulad kong lulong sa plaka.
Kasalanan ito ni Tatay.
Parehong mahilig sa musika sina Nanay at Tatay. Si Nanay, laging nakababad noon sa transistor habang gumagawa ng gawaing bahay o kaya ay nananahi. Nitong huli, bago siya namatay, naka-Spotify siya lagi (may pagka-techie si Nanay). Sa transistor ni Nanay una kong narinig ang mga usong kanta noong ’60s at ’70s. Doon ko rin narinig ang kantang oldies kung tawagin. Mula ito nang sinaunang panahon ng ’40s at ’50s (kapag sinabing oldies ngayon, ang ibig sabihin ay mga kanta ng ’70s, ang henerasyon ko. Gano’n talaga).
Si Tatay ang mahilig sa plaka. Madalang siyang bumili kasi hindi naman kami mayaman. (Naranasan kong kumain ng kanin na ang ulam ay saging na isasawsaw sa toyo. Good times). Karpintero si Tatay. Madalas ang trabaho niya ay sa Barrio Kapitolyo na katabi lang ng lugar namin, ang Barrio Pineda. Lugar ito ng mga alta sa Pasig. Laging may ginagawang bahay o kaya ay ipinapaayos, kaya laging may trabaho si Tatay. ‘Yung mga suki niya ang madalas magbigay sa kanya ng mga plaka. Siguro 95% ng mga plaka niya, bigay lang. Napagsawaan na.
Uso noon ang console, ‘yung stereo na nasa mahabang cabinet na parang ataul. Si Tatay, gumawa ng sariling console. Tanda ko ay Garrard ang turntable, at Sansui ang amplifier. Hindi ko alam saan niya nabili, pero mahal na ngayon ang mga brand na ‘yan. At panalo ang tunog.
Ang unang assignment ko kay Tatay ay maglinis at magsalang ng mga plaka. Kadalasan tuwing Linggo, kapag araw ng pahinga, at tuwing wedding anniversary nila ni Nanay. Ang theme song nila ay “I Love You More and More Every Day” ni Al Martino.
Madalas akong umuupo noon sa gitna ng speakers. ‘Yun pala ang sweet spot na tinatawag. Malinaw ang boom at kalansing ng percussions ni Perez Prado at ang brilyo ng gitara at boses ni Trini Lopez. Ang lambing ng boses ni Harry Belafonte. Umaalog ang buong bahay sa Marching Band ng Philippine Army. ‘Yan ang mga paborito ni Tatay. Idagdag pa ang mga organistang Relly Coloma at Eric Dimson, pianistang Roger Williams, at Ray Conniff Singers. Lalo na ang mga plakang kundiman na pinapakinggan niya noong siya ay binata pa.
Minsan umuwi si Tatay na may dalang mga plaka. Mga bigay ng kanyang employer. Sa salansan ng mga plaka nina Enoch Light at Tony Mottola, bumungad and dalawang plaka na pang-teenager ang cover. Mahahaba ang buhok ng mga artist at kakaiba ang mga pangalan ng kanilang banda.
Herman’s Hermits ‘yung isa. May pagka-bubblegum pop ang tunog. Masaya. Nakakaindak at nakakaaliw, lalo na ang “Mrs. Brown You’ve Got a Lovely Daughter.” ‘Yung isa naman ay The Kinks at ang album ay “You Really Got Me.” Kakaiba ang tunog ng The Kinks. Raw and visceral, ika nga. Distorted ang tunog ng gitara. Ayon mismo sa gitaristang si Dave Davies, nag-away sila ng girlfriend niya. Pero sa halip na laslasin ang pulso sa galit, ‘yung speaker cone ang nilaslas. The rest, as they say, is guitar distortion history.
Immersive experience ang plaka. Binabalot ka ng tunog. Hinahaplos, kinikiliti, minsan binabalibag. Kaya rin siguro bata pa lang ay emosyonal na ang response ko sa musika.
Nang una kong marinig ang kantang “Honey” ni Bobby Goldsboro, nalungkot ako. Hindi ko alam kung bakit. Ang saya ko naman sa “Top of the World” ng Carpenters. Hanggang ngayon, tuwing maririnig ko ang kantang ‘yan ng Carpenters, napapangiti ako. Pati amoy ng nilagang baka na niluluto ni Nanay kapag bagong suweldo si Tatay, naaamoy ko.
Time travel. Nostalgia. Senti lang. ‘Yan daw ang kadalasang dahilan ng mga record collector na ka-edad ko. Medyo totoo naman. Pero corny kung ‘yan lang ang dahilan para masimot ang GCash o credit card.
May discovery aspect din naman ang record collecting. Kapag seryoso ka sa pakikinig, hinahanap mo ang iba pang artist na pareho ang tunog o genre, mga recording ng parehong producer, o mga artist na naging impluwensiyal sa musical style ng kung sinong singer o banda na kinahuhumalingan mo. Dito ko nakilala ang ilang blues musicians at jazz icons na sina Miles Davis at John Coltrane. Hindi sila bahagi ng kabataan ko, pero kasama sila sa mga paborito.
Hindi ko na matandaan kung ano ang nangyari sa stereo namin. Basta’t isang araw na lang gumaralgal ang tunog. Hindi na nawala. May nakilala si Tatay na technician daw, kinuha ang turntable at amplifier, at hindi na nagpakita uli. Bumili na lang si Tatay ng tape deck bilang kapalit.
Nang malaman ni Tatay na may turntable uli ako ay ginawan niya ako ng cabinet. Para may patungan ng turntable at may lalagyan ng mga plaka. Pagkaraan ng ilang buwan, ginawan niya ako ng mas malaking cabinet nang sabihin kong nasa sahig na ang ibang mga plaka. At nadagdagan pa ‘yan ng isa pang record rack.
Natatawa lang si Tatay kapag nag-uusap kami tungkol sa plaka. Noon kasi, basta plaka, salang agad. Ngayon, meron na akong binabanggit na grading ng plaka, pressing, SQ, soundstage, imaging, separation. Kay Tatay, basta hindi makalansing ang tunog at dinig ng kapitbahay ang sounds, solb na.
Nitong nakaraang Pasko, tulad ng nakagawian ay bumisita kami kay Tatay. Dalawang taon na rin mula nang mamatay si Nanay. Niregaluhan si Tatay ng utol ko ng turntable noong kamamatay lang ni Nanay. Ako naman ang naghanap ng mga paborito niyang plaka at ‘yung mga alam kong magugustuhan niya.
Pero noong Paskong ‘yon, napansin ko na may alikabok ang turntable. ‘Yun pala matagal na siyang hindi nagpapatugtog. Hirap na siyang magsalang, hindi na masipat kung saan ilalapat ang karayom. At mas gusto na niyang manood sa YouTube. Hilig niya ang replay ng boksing at mga video ng home building sa gubat. Nanonood siya habang nakaupo sa kanyang rocking chair o tumba-tumba, kung saan madalas na rin siyang maidlip.
Nilinis ko ang turntable at naglabas ng mga plaka. Si Tatay, nasa tumba-tumba lang. Isinalang ko ang mga plaka. Gaya ng ginagawa ko noong bata pa ako, kapag tapos na ay babaligtarin ko ang plaka o magsasalang ng bago.
Masaya siyang nakinig. Sumabay pa sa pagkanta at may singit na konting kuwento. Isinalang ko ‘yung “My Way” album ni Frank Sinatra. Hindi mahilig si Tatay kay Ol Blue Eyes (mas Tony Bennet, Andy Williams, Nat King Cole siya). Pero gusto niya ang “My Way.” Hanggang umabot kami sa kantang “If Ever I Would Leave You.” Sa simula sinabayan namin si Sinatra.
Maya-maya, natahimik kami pareho. Naalala ko si Nanay. ‘Yun pala siya rin. Nagkatinginan kami. Tumayo siya sa kanyang rocking chair. Sinalubong ko siya. Nagyakapan kami sa harap ng stereo. Nakakapuwing din ang plaka. – Rappler.com
Joey Salgado is a former journalist, and a government and political communications practitioner. He served as spokesperson for former vice president Jejomar Binay.
ALSO ON RAPPLER
- [OPINION] Raised on radio
- [OPINION] What’s the fuss about ‘Bagong Pilipinas?’ It’s mediocre pop.
- [OPINION] Can you hear the drums, Rodrigo?