(Ang serye ng pagninilay na ito ay handog ng Word and Life Publications tagapag-limbag ng ‘Patnubay sa Misa’ at ‘Euchalette.’ Ito ay ibinabahagi ng Rappler bilang paghahanda sa Kapaskuhan.)
Hukom 13:2-7.24-25; Lukas 1:5-25
Ang ating kultura ay malinaw na may natitira pang paggalang sa mga nakatatanda. Dahil sa ang pusong Pinoy ay may malinaw na pagpapahalaga sa samahan o pakikipag-ugnay sa kapwa, ang lahat ng medyo nakatatanda sa atin, o iginagalang natin ay tinatawag nating “kuya, ate, tito, tita, lolo, lola, ‘nay, ‘tay, o kahit man lang “ma’am at Sir.” Ito ay totoo kahit nauso ang taguring” tanders” para sa mga “matatanda.” Noong bata pa kami, ang tawag sa ngayon ay “tanders” ay “damatan” o “gurang.” (Huwag ho kayo masaktan . . . kasama ako sa grupong ito na ngayon ay tila kinakansela ng marami).
Pero, tila may pagtingin at pagmamalasakit ang mga pagbasa natin ngayon sa mga tanders. Bida sila ngayon – ang mga tulad ni Manoah at ang kanyang asawa, si Zacarias at Elisabet. Si Manoah at ang kanyang asawa ay hindi naman ganoong katanda, pero baog ang babae. Sapat na iyon upang gawaran siya ng katumbas sa cancel culture sa Lumang Tipan!
Tanggap naman ni Zacarias at Elisabet na sila ay papalapit na sa pagdadapit-hapon ng kanilang buhay.
Subali’t hindi ito naging hadlang sa anumang balaking ipinamalas ng Diyos sa kanilang dalawa ni Zacarias at Elisabet. Hindi rin ito naging balakid sa balak ng Diyos para kay Manoah at sa kanyang asawa.
Tiwala lang mga tanders! Kapit lang mga youngers! May pag-asa pa tayo! Tiwala lang kahit dama ninyong tinikis kayo ng tadhana at siniphayo ng kasaysayan! May papel pa tayong dapat gampanan. May nakaatang pa ring misyon sa ating mga balikat at walang ibang makakagawa ng mga yaon, liban sa inyo. Sa ating kalinangang Pinoy, lahat tayo ay kabilang. Walang echado afuera sa bayan ng Diyos. Matanda o bata, kabilang tayo sa mga ginawaran ng Diyos ng panawagan at misyon. – Word and Life Publications/Rappler.com
Here are more reflections and stories about Christmas in the Philippines